Lumaktaw sa pangunahing content

Nakalimulat Na

 Gumuhit ang napakatamis na kurba sa mga labi ni Phineas nang ilibot ang mata sa paligid.


“Anong masasabi mo?” untag ng nakatatandang kapatid nito, si Philip.


Kinapa ni Phineas ang kuya na nasa tabi lamang niya at tumango. 


“Tunay na maganda ang paraiso, Kuya! Napakakulay ng mundong ito. Kabaligtaran man pero ganoon ang nakikita ko! Dito, nagkakaisa ang mga tao. Nakakamangha. Posible pala ito!”


Hindi umimik si Philip, pinapakinggan lamang ang mga inosenteng bulalas ng kapatid sa kanyang tabi. 


“Kuya! Ganito pala sa mundo mo. Nagagawa mo ang kahit anong nais mong gawin. Nakikita ang nais mong makita. Walang maaalinsangan na eskinita. Walang nakatiwangwang na basura kahit saan. Walang maliit, pango, kalbo, sungki, mataba... lahat pantay-pantay! Ni walang taong nakabusangot ang mukha rito! Basta, wala lahat!”


Mahinang natawa si Philip nang maramdaman ang lubusang pagkagalak ng kapatid sa nasasaksihan.


“Paraiso, hindi ba? Lahat pantay-pantay. Walang pamantayang sumasakal sa litid ng mga naririto. Namumuhay nang payak at nagkakaisa. Namumuhay nang naaayon sa ating gusto.”


“Tama ka, Kuya. Sana pala, matagal mo na akong pinakilala sa mundo mo,” halos bulong na lang sa hangin na saad ni Phineas. “Mas mabuti pa rito…”


Nilingon ni Philip ang kapatid, ngunit hindi niya ito direktang tinapunan ng tingin, bago tapikin ang balikat. 


“Huwag kang mag-isip nang ganyan. Mabuti pa nga’t sa murang edad, mulat ka na sa ginagalawan mong mundo. Puwede ka namang bumalik dito at mapahinga, Phineas. Kapag pagod ka na…”


“Oo, Kuya. Masyado nang marami ang nangyayari sa mundo ko. Kung puwede lang na dalhin kita roon para makita mo ang sinasabi ko, gagawin ko, e!”


Malungkot na nginitian ni Philip ang kapatid at inabot ang ulo nito. Ginulo niya ang buhok bago akbayan. 


“Kahit gaano ko man kagustong mamulat sa bagay na iyon, alam mo namang... pinagkaitan ako ng tadhana.”


Umiling si Phineas, hindi sang-ayon. “Pinagpala ka, Kuya.”


Sasagot pa sana si Philip nang biglang maramdaman ang paninigas ng kapatid at narinig ang pagkalaglag ng boteng plastik sa semento. Wala iyong laman kaya wala masyadong epekto. 


“Malamok na riyan! Pumasok na kayong dalawa rito!”


“Ayoko pa, Kuya. Dito muna tayo…” takot na bulong ni Phineas, malalaki ang iling.


Tinuon ni Philip ang ikatlong paa sa semento at tumuwid na sa pagkakatayo.


“Magagalit pa si Mama. Tara na.”


“Kuya, ngayon lang ako nakakita ng paraiso. Wala ito sa mundo ko kaya kung gusto mo, mauna ka na roon kay Mama,” iling ng nakababata.


Humakbang si Philip nang isang beses. Mula sa pagkakaakbay, bumaba ang hawak niya sa braso ng kapatid, hinihila-hila na ito.


“Alam mo namang hindi ‘yon maaari. Kailangan nating sabay na umalis dito. Katulad ng sabay nating pagdating sa lugar na ito.”


“Philip! Phineas! Gusto ninyo ba talagang makatikim ng sinturon?!” muling bulyaw ng kanilang ina, puno ng babala ang tinig.


Bumuntong-hininga si Philip at muling hinila ang braso ni Phineas.


“Hali na, Phineas. Baka imbes na ipalo sa’tin ang sinturon, masakal na tayo ni Mama gamit ‘yon dahil sobrang pasaway natin.”


“Kuya,” padyak ng paa nito.


“Bunso,” buntong-hininga na naman ni Philip. “Pagod na ako. Tara na. Imulat mo na ang mga mata mo.”


“Mamaya na, Kuya!” Muling padyak.


“Isa,” sa mas istriktong tono.


Napahilamos ng mukha si Phineas gamit ang kamay.


“Kuya naman. Saglit na lang, o? Minsan na lang ako makakita at makaramdam ng ganitong kapayapaan.”


Unti-unting gumapang ang takot sa sistema ni Philip nang mahinuhang masyado nang napapasarap ang kapatid sa kanyang mundo.


“Itigil mo na ‘yan, Phineas. Nakakasama ‘yan para sa’yo. Kailangan mo nang bumalik sa mundo mo at harapin ang katotohanan!”


“Pero ayoko sa katotohanan, Kuya! Masyado nang... nakakatakot,” singhap ni Phineas at napakapit nang mahigpit kay Philip.


“Imulat mo na. Dalawa…” pagpapatuloy ni Philip sa bilang hindi kalaunan.


Umiling nang paulit-ulit si Phineas, tampulan pa rin ang pagmamatigas.


“Dalawa’t kalahati…” pabugang asik ni Philip. “Kapag ito, nakaabot sa tatlo. At hindi pa tayo umaalis dito, tuluyan ka nang matutulad sa akin, Phineas.”


“Hindi ‘yan totoo.”


“Huwag kang magbulag-bulagan, Phineas. Alam mo ang totoo…” Napatigil, ngunit muling nagpatuloy. “Isa... Dalawa.... Tat–”


“N-Nakamulat na,” hirap na pagsuko ni Phineas.


Kumurba ang dulo ng mga labi ni Philip at nilingon ang direksiyon ng kapatid. 


“Nakamulat na?”


Marahang tumango si Phineas at sumabay na sa kanyang kuya sa paglalakad.


Kumunot ang noo ni Philip. “Nakamulat na?”


Ibubuka na sana ng kapatid ang mga labi para ulitin ang sagot, ngunit naghari ang isang malakas na tinig. 


“Pumarito na kayo!” muling higaw ng kanilang ina. “Philip! Phineas!”


Tumingin sa dinaraanan ang dalawa. 


Sa mga sandaling iyon, nagtagal ang tingin ng bunso sa limang paa na humahakbang sa kanilang paglalakad. Huminga siya nang malalim, sumulyap sa nakatatandang kapatid, sa magulong paligid, at napatikhim.


“Nakamulat na!” sigaw ni Phineas pabalik sa ina, kasabay ang pagkurap nang tatlong beses sa hindi inaasahang pagkapuhing.


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Wasak na Wakas

"Patayin n'yo na lang kami kaysa pahirapan pa nang ganito! Parang awa n'yo na... Patayin n'yo na lang kami..." hagulgol ni Eya habang yakap-yakap ang kapatid niyang luwa na ang mata dahil sa pagpapahirap na ginagawa sa kanila ng mga lalaking nakamaskara. Humalakhak ang mga lalaki. "Maghihirap muna kayo! Mga punyeta! Hah! Nasaan ang mga magulang ninyo?! Nasaan?! Hindi pa sila nakababayad sa perwisyong idinulot nila sa angkan namin! Hindi pa!" Kinuha ng isang lalaking nakamaskara ang bakal na ibinabad sa lumalagablab na apoy at itinutok sa mukha ng bunsong kapatid ni Eya. "HUWAG PO! PARANG AWA N'YO NA! TAMA NA PO!" Itinakbo ni Eya ang kaniyang kapatid na halos hindi na makagalaw sa sobrang panghihina. Kahit putol na ang kaliwang binti ng dalaga ay pinilit niya pa ring ilayo ang kanilang mga sarili samantalang nangibabaw pa rin ang halakhakan ng mga lalaking nakamaskara habang pinaglalaruan ang magkapatid. "TAMA NA POOOO!...

KINAIN KO ANG PAG-IBIG

Babala: Rated SPG (Tema, Lengguwahe, Karahasan, Horror)  Nagising ako nang saktong alas tres ng madaling araw. Saktong-sakto lang ito... tulad ng inaasahan ko. Tamang-tama lang. Kinuha ko ang bagay na noon pa man ay kating-kati na akong gamitin. Sa tingin ko ay ngayon na nga ang tamang panahon. Lumabas ako ng aking kuwarto. Napakatahimik ng paligid at tunay na napakadilim ng bawat sulok ng mga silid. Binuksan ko ang kabilang pinto ng kuwarto at doon tumambad sa akin ang mga magulang kong mahimbing na natutulog. Gumuhit ang ngiti sa aking mga labi habang dahan-dahang lumalapit sa kanila. Sa bawat pag-angat at pagbaba ng kanilang mga dibdib ay mas lalong nararating ng aking sistema ang rurok ng kasiyahan nito. Sa bawat pagkaluskos ay mas lalong lumalawak ang guhit ng ngisi sa aking mukha. Tang *na... hindi ko na mapigilang mapamura sa aking isipan. Hinaplos ko ang napakaamong mukha ng aking nanay. Hindi niya alam na noon pa ma’y lihim ko na siyang napupusuan nang higit pa sa pagig...

Scheofrodé

Scheofrodé. : pangngalan (n.) : takot, kahibangan, kaba na nararamdaman sa matagal  na pagtitig sa harap ng isang salamin. * * * Tanga. 'Yan pala ako simula pa noon. Isa akong tanga. Tanga na nagpalinlang sa  isang salamin. Akala ko noon, hindi ako malilinlang ng kahit anuman  basta't magawa kong linlangin ang realidad. Oo, nagtagumpay ako. Pero,  tanga. Isang salamin ang nakatalo sa akin. Isang salamin na kahit kailan ay  kaya kong basagin, ngunit hindi ko gagawin. Tanga ako, pero hindi ako  pikon. Sa kalagitnaan ng byahe sa dyip na sinasakyan ko, tahimik akong  nakikipagtalo sa realidad. Kung saan-saan napadpad ang aking isipan  nang isang bagay ang aking malaman. Sa aking pag-uwi, hindi na ako nag-abala pang magbihis ng pambahay;  dumiretso agad ako sa palikuran kung saan matatagpuan ang... kriminal. Isang salamin ang payapang nakasabit sa dingding. Halos maiyak ako;  mahigpit na ikinuyom ang aking kamao nang ma...