"Patayin n'yo na lang kami kaysa pahirapan pa nang ganito! Parang awa n'yo na... Patayin n'yo na lang kami..." hagulgol ni Eya habang yakap-yakap ang kapatid niyang luwa na ang mata dahil sa pagpapahirap na ginagawa sa kanila ng mga lalaking nakamaskara.
Humalakhak ang mga lalaki. "Maghihirap muna kayo! Mga punyeta! Hah! Nasaan ang mga magulang ninyo?! Nasaan?! Hindi pa sila nakababayad sa perwisyong idinulot nila sa angkan namin! Hindi pa!"
Kinuha ng isang lalaking nakamaskara ang bakal na ibinabad sa lumalagablab na apoy at itinutok sa mukha ng bunsong kapatid ni Eya.
"HUWAG PO! PARANG AWA N'YO NA! TAMA NA PO!"
Itinakbo ni Eya ang kaniyang kapatid na halos hindi na makagalaw sa sobrang panghihina. Kahit putol na ang kaliwang binti ng dalaga ay pinilit niya pa ring ilayo ang kanilang mga sarili samantalang nangibabaw pa rin ang halakhakan ng mga lalaking nakamaskara habang pinaglalaruan ang magkapatid.
"TAMA NA POOOO!" hagulgol ni Eya nang hindi na makatakbo pang muli dahil sa isang naka-usling yero sa sahig na dahilan upang matalupan ang kaniyang tiyan. Rumagasa ang pulang likido sa semento na nagmula sa katawan ng dalaga.
Muli na namang humalakhak ang mga kalalakihan. Nakita ng dalawang mata ni Eya kung paano na lang ihampas ng mga lalaki ang bakal sa mukha ng kapatid bago siya pasuin ng dulo nitong nakababad buong magdamag sa naglalagablab na apoy.
Hanggang sa sumapit ang gabi.
Ang gabi kung kailan lamang nananahimik ang madilim na kuwartong nagsisilbing kulungan ng dalawa. Sa loob ng tatlong araw, iba-ibang paghihirap ang kanilang naranasan. Sa tatlong araw na ito, iba't ibang parte ng kanilang katawan ang nawala't nawasak. Sa loob ng tatlong araw na pagdurusa... sa tatlong araw... unti-unti nang nawawalan ng pag-asa si Eya. Pag-asang manunumbalik pa ang simpleng buhay na baon nila simula pa pagkabata. Pag-asang makalalaya pa sila mula sa kamay ng mga lalaking nakamaskara.
Wala na... Unti-unti, nauubos na ang pag-asa kay Eya.
Tanging mga hikbi lamang ang maririnig na ingay sa kuwartong iyon. Mga hikbing nagmumula sa magkapatid na tila pinagsakluban na ng langit at impyerno sa mga karahasang natamo nang dahil sa kasalanang hindi nabayaran ng kanilang mga magulang.
Mayamaya ay dumapo ang tingin ni Eya sa kutsilyong naiwan ng mga lalaking nakamaskara sa sahig. Lumuluha, inabot niya ito kahit mahirap. Tuloy-tuloy ang paglabas ng mga likido sa kaniyang mga mata, maging sa kaniyang katawan. At sa hindi maipaliwanag na pagkakataon ay muling kuminang ang mga mata ng dalaga. Dumapo ang mga mata niya sa lumuluhang kapatid. Lumapit siya rito. Umusog, umusog, at muli pang umusog hanggang sa makalapit na siya nang tuluyan dito.
Hinaplos niya ang buhok ng kapatid at hinalikan ito sa ulo. "M-mahal... n-naaa ma...h-hal ka n-ni ateee," hirap na hirap niyang utas. "A-ayaw na k-kitang mahi...r-rapan... p-paaa..."
Malalalim ang paghinga ng dalaga habang itinataas nang paunti-unti ang patalim sa kaniyang kapatid.
"M-mapata...w-wad mo s-sana si... a-atee..."
Pumikit siya at ipinukol na ang kutsilyo sa ulo ng kapatid. Humagulgol siya. Muling tinanggal ang patalim at ipinukol muli sa katawan ng kapatid. Tinusok-tusok pa nang ilang ulit hanggang sa malaman niyang wala nang buhay ang huling taong nagmamahal sa kaniya.
Hindi niya mapapatawad ang sarili. Mas masahol pa siya sa mga lalaking nakamaskara! Pinatay niya ang sarili niyang kapatid! Siya mismo ang kumitil sa buhay ng kaniyang kapatid!
"PUTANG INA NINYONG LAHAAAAAAAT!" galit na galit na hiyaw ng dalaga bago ang...
"CUT! Bravo, Gwen! Bravo! It's very amazing! Siguradong maghihit ito sa mga sinehan! Good job, guys! Oh, break muna. Bigyan ninyo ng silya si Gwen."
Nagpalakpakan ang mga staffs at ang iba pang nanunuod sa shoot ng bagong pelikulang ilalabas sa mga sinehan.
Panigurado... marami na namang mamamangha sa palabas na pagbibidahan ni Gwen Yangson.
This was a good read :) Hope to read more from soon :)
TumugonBurahin