Lumaktaw sa pangunahing content

Pagmamahal ni Jose




"Pakipot ka pa. Eh gusto mo rin naman ako. Bakit ayaw mo pa akong sagutin?" panunuyo ni Lolo Joseph kay Lola Esme.

Humalukipkip ang matandang babae at ngumuso na parang bata. "Sagutin? Sagutin ka diyan! Ni hindi ka pa nga nanliligaw, ikaw na matanda ka!"

Pinagmasdan ko lamang ang dalawang matandang nagsusuyuan na akala mo'y mga binata't dalaga pa rin.

Sina Lolo Jose at Lola Esme ay sampung taon nang namamalagi rito sa Home for the Aged na pinagtatrabahuhan ko. At sa limang taon na nagvo-voluteer ako rito, marami na 'kong nakilalang matatanda. May iba't ibang ugali, ngunit silang dalawa ang lubos na nakapukaw ng atensyon ko.

Nakakatuwa silang panuorin t'wing sasapit ang ika-siyam ng umaga. Katulad ngayon, may dalang paso ng sili si Lolo Joseph na kinuha pa niya sa hardin upang ibigay kay Lola Esme.

"Hindi pa ba ako nanliligaw sa lagay na ito? Sampung taon na akong naghihintay at nagtitiis para lang sa napakatamis mong 'oo', Esmeralda. Ano pa bang problema sa'kin bukod sa ubod ako ng guwapo? Pareho na namang patay ang ating mga asawa at pakiramdam ko'y para talaga tayo sa isa't isa."

"Ewan ko sa iyo, Jose." Napapailing na lang si Lola Esme.

"Handa akong mamatay at pumatay para sa'yo, Esmeralda. Maikli na lang ang panahon natin dito sa mundong ibabaw kaya pagbigyan na natin ang bawat isa na maging masaya sa piling ng isa't isa. Alam ko na ika'y mayroon ding lihim na pagtingin sa akin ngunit heto ka't pakipot pa rin..."

Biglang tumayo ang matandang babae. "Matatanda na tayo, Jose. Mga gurang na, kaya mabuti pa't tigilan mo na iyang kahibangan mo." Umalis ito nang hindi man lang sinusulyapan ang kausap.

Pinagmasdan kong muli si Lolo Joseph. Dismayado ang kan'yang mukha habang dahan-dahang ibinababa ang paso ng sili. Habang pinapanuod siya ay parang nararamdaman ko na rin ang sakit na kaniyang nararamdaman ngunit 'di lingid sa aking isipan na wala pa iyon sa kalahati ng kan'yang tunay na nararamdaman. Parang... pinupunit ang puso ko. Lalo na nang lumingon siya sa direksyon ko at nagpakawala ng matamlay na ngiti sa kan'yang mapuputlang mga labi.

Pagsapit ng kinabukasan, heto na naman ako. Patungo na naman ako sa hardin kung sa'n tila lagi akong nanunuod ng teledrama ng dalawang taong nag-iibigan. Sa umagang iyon, marami na akong nakakasalubong na matatanda ngunit hanggang ngayon, hindi ko pa rin nakikita ang dalawang paborito kong matanda.

Ilang sandali pa, nakarinig ako ng isang napakalakas na hiyaw mula sa loob ng Home. Natigilan ako. Lahat ay nagtaka, nagulantang, at nataranta. Maging ako, wala akong ibang nagawa kung hindi ang puntahan ang direksyon ng sigaw na iyon.

Mabigat ang bawat paghinga ko sa mga sandaling makarating ako sa lugar na 'yon hanggang sa naging malinaw na sa'kin ang lahat. Naging klaro na sa'kin ang rason kung bakit may humiyaw. Nakita ng dalawang mata ko ang trahedyang magdudulot ng matinding katatakutan sa lahat ng naririto.

"Lola Esmeralda!" nakatutulilig na sigaw muli ng taga-pangalaga ng matandang babae na ngayo'y wala nang hininga. Tingin ko ay pumanaw hindi dahil sa isang sakit, ngunit nang dahil sa mga natamo nitong saksak sa katawan, sa matulis na batong may dugo sa may gilid ng kama, at ang mga lamang loob na ngayo'y nakaluwa't nakalawlaw na sa kan'yang katawan.

Nanikip ang dibdib ko. Hindi kinaya ng sistema ko ang tanawing nasa loob kaya mas pinili ko na lang na lumabas at hanapin ang tanging taong nasa isipan ko sa mga oras na iyon. Si Lolo Jose.

Sinubukan ko siyang hanapin sa buong hardin at sa loob ng Home ngunit hindi ko pa rin siya matagpuan. Hanggang sa makarinig ulit ako ng matinis na hiyaw mula rito sa kinatatayuan ko. Hinanap ko kung kanino galing iyon at namataan ko ang isang batang babae sa kan'yang puting bestida, iyak nang iyak. Ngunit ang mas nakapukaw ng atensyon ko ay ang mantsiya ng dugo sa laylayan ng suot niya.

Tinanong ko kung anong nangyari, nagbabaka-sakaling ketchup lamang 'yon, nang ituro niya ang direksyon ng luma at maliit na palikuran na malapit sa may kusina.

Walang pag-aalinlangan akong kumatok sa pinto ng nasabing lumang palikuran. Sa bawat katok ay tumatalbog paalis sa materyales nitong kahoy ang mga alikabok na naipon na ro'n sa tinagal-tagal ng panahon. Nang walang magbukas ay ako na mismo ang nagbukas ng pinto sa pamamagitan ng pagsipa ro'n. Halos malagutan ako ng hininga sa bumungad sa'kin. Halos mahimatay ako nang makita ko kung ano... kung sino ang nasa loob ng madilim na palikuran. 

Abot langit ang ngiti ni Lolo Jose nang makita ako.

"Tignan mo, hijo. Ang asawa ko, hindi ba't napakaganda?" Inangat niya ang isang manikang tastas ang dibdib.

Napamulagat ako at mabilis na napatakip ng bunganga no'ng makita ko ang isang puso ng tao na punong-puno pa ng dugo ang nakatahi sa dibdib ng manika.

Umawit ng isang 'di pamilyar na kanta si Lolo Jose na may 'di pamilyar na tono.

"Esmeralda, ang ngalan ng maganda kong asawa. Esmeralda... ang aking mahal na asawa." Sinayaw-sayaw pa niya ang manika.

Muling dumapo ang tingin niya sa'kin. "Naalala ko na ang lahat... Ang lahat-lahat. Hindi ako isang b'yudo. Ako'y ikinasal, anim na pung taon na ang nakakalipas sa asawa kong si Esmeralda." Tinignan niya ang manika. "Hindi ba, Esmeralda?" tanong pa niya ro'n at tinangu-tango ang ulo ng manika bilang pagsang-ayon sa kan'ya.



 "Kita mo na, hijo?" untag niya ulit. "Oh, bakit gan'yan ang hitsura mo?" Humakbang siya papalapit sa akin at lumukot ang mukha. "Hindi ka ba natutuwa para sa'min ng asawa kong si Esmeralda? Hindi ka ba masaya?" Lalong lumukot ang kan'yang mukha nang 'di ko makuhang sumagot.

"Hindi ka ba masaya?! Ha?!"

At 'di nagtagal, boses ko naman ang sunod na umalingawngaw sa buong kapaligiran...


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

KINAIN KO ANG PAG-IBIG

Babala: Rated SPG (Tema, Lengguwahe, Karahasan, Horror)  Nagising ako nang saktong alas tres ng madaling araw. Saktong-sakto lang ito... tulad ng inaasahan ko. Tamang-tama lang. Kinuha ko ang bagay na noon pa man ay kating-kati na akong gamitin. Sa tingin ko ay ngayon na nga ang tamang panahon. Lumabas ako ng aking kuwarto. Napakatahimik ng paligid at tunay na napakadilim ng bawat sulok ng mga silid. Binuksan ko ang kabilang pinto ng kuwarto at doon tumambad sa akin ang mga magulang kong mahimbing na natutulog. Gumuhit ang ngiti sa aking mga labi habang dahan-dahang lumalapit sa kanila. Sa bawat pag-angat at pagbaba ng kanilang mga dibdib ay mas lalong nararating ng aking sistema ang rurok ng kasiyahan nito. Sa bawat pagkaluskos ay mas lalong lumalawak ang guhit ng ngisi sa aking mukha. Tang *na... hindi ko na mapigilang mapamura sa aking isipan. Hinaplos ko ang napakaamong mukha ng aking nanay. Hindi niya alam na noon pa ma’y lihim ko na siyang napupusuan nang higit pa sa pagiging

Scheofrodé

Scheofrodé. : pangngalan (n.) : takot, kahibangan, kaba na nararamdaman sa matagal  na pagtitig sa harap ng isang salamin. * * * Tanga. 'Yan pala ako simula pa noon. Isa akong tanga. Tanga na nagpalinlang sa  isang salamin. Akala ko noon, hindi ako malilinlang ng kahit anuman  basta't magawa kong linlangin ang realidad. Oo, nagtagumpay ako. Pero,  tanga. Isang salamin ang nakatalo sa akin. Isang salamin na kahit kailan ay  kaya kong basagin, ngunit hindi ko gagawin. Tanga ako, pero hindi ako  pikon. Sa kalagitnaan ng byahe sa dyip na sinasakyan ko, tahimik akong  nakikipagtalo sa realidad. Kung saan-saan napadpad ang aking isipan  nang isang bagay ang aking malaman. Sa aking pag-uwi, hindi na ako nag-abala pang magbihis ng pambahay;  dumiretso agad ako sa palikuran kung saan matatagpuan ang... kriminal. Isang salamin ang payapang nakasabit sa dingding. Halos maiyak ako;  mahigpit na ikinuyom ang aking kamao nang makita ang pinakasinungaling  na nilalang n