Lumaktaw sa pangunahing content

Pseudo


 



“Saan ka pupunta?” Hinablot ko ang braso ni Marco nang makitang aalis na siya matapos ang isang tawag.

 

“Faye, kailangan kong puntahan ang pinsan mo. Nasa ospital si Magenta,” may awtoridad ang kaniyang tinig.

 

Halos gumuho ang lahat sa akin nang malamang mas pipiliin niya pa ang pinsan ko kaysa sa amin ng anak niya ngayon.

 

“‘Wag, Marco. Dito ka lang, please…” Umiling ako sa kaniya, pinipigilang tumulo ang nagbabadyang mga luha sa aking mata.

 

“Ano ka ba, Faye! Hanggang ngayon ba naman ay pagseselosan mo pa rin si Maggy?!” pagtataas niya ng boses sa akin. Marahas niyang inalis ang kamay ko sa kaniyang braso at saka umiling. “Kailangan kong puntahan si Magenta. ‘Wag kang madamot, Faye! Pinsan mo iyon!”

 

Napahagulgol na ako nang tuluyan niyang lisanin ang puting kuwartong ito. Hindi ko siya mapipigilan. Alam ko naman iyon. Pagdating kay Magenta, hinding-hindi ko siya magagawang pigilan. Halata namang mahal pa rin niya ang pinsan ko kahit matagal na silang hiwalay. Ngayong may anak na kami, hindi ko pa rin napagtagumpayan ang plano kong makuha ang buong atensiyon niya.

 

Hihikbi-hikbi akong yumuko para pagmasdan ang sanggol na nakahimlay sa aking bisig.

 

“P-Patawarin mo sana ang mommy, anak. Kung nasaan ka man ngayon, sana malaman mong mahal na mahal kita. Hindi man kita nagawang buhayin nang matagal, sana masaya ka ngayon. Kahit alam kong hindi tayo mahal ng daddy mo. Gagawin ko ang lahat, kahit isang buhay rin ang katumbas nito…” Hinalikan ko sa ulo ang aking anak at hiniga siya sa tabi ko.

 

“Ma’am?” tawag ng nurse sa akin nang bumukas ang pintuan ng kuwarto.

 

“Ano ‘yon?” Hindi ko siya magawang tignan dahil abala kong pinagmamasdan ang aking pinakamamahal na anak. Hmm. Ang himbing ng tulog niya ngayon.

 

“Darating na po ang doktor ninyo para i-check kayo,” sabi niya. “Akin na po ang manika.”

 

Nanlisik ang mga mata ko sa kaniya. “‘Wag na ‘wag mong kukunin sa akin ang anak ko! Natutulog siya at huwag kang maingay! Get out!”

 

Napaatras siya sa takot. “M-Ma’am, pero kailangan niyo na pong magpahinga. A-Akin na po ang… a-ang baby…”

 

“I said, get out!” Binato ko siya ng bread knife sa mukha at nanahimik siya sa hindi ko malamang kadahilanan.

 

“Shhh.” Tinahan ko ang aking anak nang narinig ko ang munti niyang pagtangis. “Tahan na, anak. Walang makakapaghiwalay sa atin. Hahanapin pa natin ang daddy mo... Ha?” Nilapit ko ang tainga sa kaniya nang may ibulong ito. “Oo, simula pa lang ito, baby.”

 

May binulong siyang muli kaya lumapit ako lalo sa kanya. Tinangu-tango ko ang aking ulo sabay haplos sa kanya. “I love you, too…”

 

Saka ko siya hinalikang muli sa ulo. Ngunit mas lalo pa akong natuwa nang natanaw kong kumurba ang kanyang mga labi.


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Wasak na Wakas

"Patayin n'yo na lang kami kaysa pahirapan pa nang ganito! Parang awa n'yo na... Patayin n'yo na lang kami..." hagulgol ni Eya habang yakap-yakap ang kapatid niyang luwa na ang mata dahil sa pagpapahirap na ginagawa sa kanila ng mga lalaking nakamaskara. Humalakhak ang mga lalaki. "Maghihirap muna kayo! Mga punyeta! Hah! Nasaan ang mga magulang ninyo?! Nasaan?! Hindi pa sila nakababayad sa perwisyong idinulot nila sa angkan namin! Hindi pa!" Kinuha ng isang lalaking nakamaskara ang bakal na ibinabad sa lumalagablab na apoy at itinutok sa mukha ng bunsong kapatid ni Eya. "HUWAG PO! PARANG AWA N'YO NA! TAMA NA PO!" Itinakbo ni Eya ang kaniyang kapatid na halos hindi na makagalaw sa sobrang panghihina. Kahit putol na ang kaliwang binti ng dalaga ay pinilit niya pa ring ilayo ang kanilang mga sarili samantalang nangibabaw pa rin ang halakhakan ng mga lalaking nakamaskara habang pinaglalaruan ang magkapatid. "TAMA NA POOOO!...

KINAIN KO ANG PAG-IBIG

Babala: Rated SPG (Tema, Lengguwahe, Karahasan, Horror)  Nagising ako nang saktong alas tres ng madaling araw. Saktong-sakto lang ito... tulad ng inaasahan ko. Tamang-tama lang. Kinuha ko ang bagay na noon pa man ay kating-kati na akong gamitin. Sa tingin ko ay ngayon na nga ang tamang panahon. Lumabas ako ng aking kuwarto. Napakatahimik ng paligid at tunay na napakadilim ng bawat sulok ng mga silid. Binuksan ko ang kabilang pinto ng kuwarto at doon tumambad sa akin ang mga magulang kong mahimbing na natutulog. Gumuhit ang ngiti sa aking mga labi habang dahan-dahang lumalapit sa kanila. Sa bawat pag-angat at pagbaba ng kanilang mga dibdib ay mas lalong nararating ng aking sistema ang rurok ng kasiyahan nito. Sa bawat pagkaluskos ay mas lalong lumalawak ang guhit ng ngisi sa aking mukha. Tang *na... hindi ko na mapigilang mapamura sa aking isipan. Hinaplos ko ang napakaamong mukha ng aking nanay. Hindi niya alam na noon pa ma’y lihim ko na siyang napupusuan nang higit pa sa pagig...

Scheofrodé

Scheofrodé. : pangngalan (n.) : takot, kahibangan, kaba na nararamdaman sa matagal  na pagtitig sa harap ng isang salamin. * * * Tanga. 'Yan pala ako simula pa noon. Isa akong tanga. Tanga na nagpalinlang sa  isang salamin. Akala ko noon, hindi ako malilinlang ng kahit anuman  basta't magawa kong linlangin ang realidad. Oo, nagtagumpay ako. Pero,  tanga. Isang salamin ang nakatalo sa akin. Isang salamin na kahit kailan ay  kaya kong basagin, ngunit hindi ko gagawin. Tanga ako, pero hindi ako  pikon. Sa kalagitnaan ng byahe sa dyip na sinasakyan ko, tahimik akong  nakikipagtalo sa realidad. Kung saan-saan napadpad ang aking isipan  nang isang bagay ang aking malaman. Sa aking pag-uwi, hindi na ako nag-abala pang magbihis ng pambahay;  dumiretso agad ako sa palikuran kung saan matatagpuan ang... kriminal. Isang salamin ang payapang nakasabit sa dingding. Halos maiyak ako;  mahigpit na ikinuyom ang aking kamao nang ma...