Lumaktaw sa pangunahing content

KINAIN KO ANG PAG-IBIG

Babala: Rated SPG (Tema, Lengguwahe, Karahasan, Horror) 



Nagising ako nang saktong alas tres ng madaling araw. Saktong-sakto lang ito... tulad ng inaasahan ko. Tamang-tama lang.


Kinuha ko ang bagay na noon pa man ay kating-kati na akong gamitin. Sa tingin ko ay ngayon na nga ang tamang panahon.


Lumabas ako ng aking kuwarto. Napakatahimik ng paligid at tunay na napakadilim ng bawat sulok ng mga silid. Binuksan ko ang kabilang pinto ng kuwarto at doon tumambad sa akin ang mga magulang kong mahimbing na natutulog. Gumuhit ang ngiti sa aking mga labi habang dahan-dahang lumalapit sa kanila.


Sa bawat pag-angat at pagbaba ng kanilang mga dibdib ay mas lalong nararating ng aking sistema ang rurok ng kasiyahan nito. Sa bawat pagkaluskos ay mas lalong lumalawak ang guhit ng ngisi sa aking mukha.


Tang *na... hindi ko na mapigilang mapamura sa aking isipan. Hinaplos ko ang napakaamong mukha ng aking nanay. Hindi niya alam na noon pa ma’y lihim ko na siyang napupusuan nang higit pa sa pagiging magulang. Niyuko ko ang aking ulo at magaan na siniil ng aking mga labi ang kanya para sa isang matamis halik. Napakasarap. Napakalambot.


Lumipat ako sa aking ama na ngayon ay nakayakap sa pinakamamahal kong babae. Pinagmasdan ko ang bawat sulok ng kanyang mukha, pilit na kinakabisado ang bawat detalye nito. Hinimas ko ang kanyang pagkalalaki at halos hindi ko na mapigilan ang panggigigil ko na alisin sa kanya ang armas na iyon.


Lumapit ako sa bintana at pinagmasdan silang natutulog. Nilabas ko ang bagay na nakatago lang sa mahabang panahon sa ilalim ng aking kama. Halos maluha ako sa taglay nitong talim, lalong-lalo na nang makita ko ang repleksiyon ng bilugang buwan sa materyales nito. Isang kutsilyo.


Unti-unti, muli ako lumapit sa aking ama. Inangat ko ang aking mga kamay na mahigpit na nakakapit sa kutsilyong baon ko bago itarak sa kanyang bungo ang talim noon. Puno ng panggigigil, galak, at pagmamahal kong idiniin ang tulis noon hanggang sa malasahan ko ang malansang dugong tumilamsik sa aking mukha. Hindi ko na napigilan at humalakhak ako.


Hindi ko akalaing ganito pala kasarap ang pagmamahal. Tang *na... hindi ko ulit napigilan ang sarili kong magmura.


“D-Di...gong?” Isang nanginginig na boses ang umalingawngaw sa kuwartong iyon.


Gumuhit ang takot sa aking mukha nang makita ang aking nana—ang pinakamamahal kong babae. Gising siya at sumisipa. Napatayo siya, hindi ko maipaliwanag ang banyagang ekspresyon sa kanyang mukha. Pagmamahal... Iyan ang pagmamahal, ulit ko.


Mabilis kong sinakop ang distansiyang humihiwalay sa aming dalawa at sa gutom, muli ko siyang siniil ng halik. Pilit siyang nagpupumiglas ngunit mas lalo ko lamang idiniin ang aking sarili. Ramdam ko ang pag-awang ng kanyang bibig nang itarak ko sa kanyang dibdib ang patalim na hawak ko. Puno ng panggigil, galak at pagmamahal kong idiniin ang tulis noon hanggang sa malasahan ko na ang malansang likido na tumilamsik sa aking mukha na galing sa kanyang bunganga.


Lumayo ako nang humandusay siya sa sahig. Pinasada ko sa aking pisngi ang kutsilyo at humalinghing sa hatid nitong kiliti sa aking sistema. Muli akong bumalik sa aking ama at tinarak naman ang patalim sa kanyang dibdib. Ngunit hindi ko inaasahang masyado akong matutuwa kaya’t inulit-ulit ko pa ang pagtarak sa kanya noon.


Tang *na... hindi ko na naman mapigilang mapamura.


Winakwak ko ang dibdib niya at natagpuan ang pusong tumitibok-tibok pa dahil sa pagmamahal. Kinuha ko iyon at pinisil-pisil. Ang sarap sa pakiramdam kaya’t nilingon ko ang mukha ng aking ama at nakitang nakatitig pa rin siya sa akin. Pagmamahal. Puno iyon ng pagmamahal.


Dinaluhan ko ang aking ina at ginawa rin sa kanya ang ginawa ko sa kanyang asawa. Ngayon ay hawak ko na ang dalawang bagay na sumisimbolo ng kanilang pag-ibig sa akin. Humalakhak ako. Palakas nang palakas habang dinadama ang lamig at kiliti na hatid sa aking mga pisngi ng mga regalong nagmula sa aking mga magulang.


Sa hindi inaasahang pagkakataon, kumalam ang aking sikmura. Doon ko naalalang ilang araw na akong walang kain. Napaungol ako sa sakit! Tang *na!


Binalot ng panginginig ang aking sistema na dulot ng kagutuman. Pinagmasdan ko ang dalawang mapupulang bagay sa aking mga kamay. Ito... ito ang sumisimbolo ng pagmamahal sa akin ng aking mga magulang. Kaya walang pag-aalinlangan kong kinagatan ang isa roon, na sinundan ng isa pang kagat, at ng isa pa... hanggang sa hindi ko namalayang naubos na pala.


Tang *na. Ang crunchy pala?


Napapikit ako at dinama ang lamig na dulot ng sahig sa aking likod. Hinimas-himas ko ang aking tiyan sa tindi ng kabusugan. Hindi ko pa maiwasang mapadighay. Dyahe lang, nakakahiya kina Nanay at Tatay. Baka sabihin nilang wala akong good manners.


‘Wag na, uy!


Unti-unting umangat ang dulo ng aking mga labi nang maalala ko na naman ang walang humpay na litanya nila sa akin...


“Busog na busog ka sa pagmamahal, Digong. Tandaan mo ‘yan…”


Hayyy... Memories.

Mga Komento

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Pagmamahal ni Jose

"Pakipot ka pa. Eh gusto mo rin naman ako. Bakit ayaw mo pa akong sagutin?" panunuyo ni Lolo Joseph kay Lola Esme. Humalukipkip ang matandang babae at ngumuso na parang bata. "Sagutin? Sagutin ka diyan! Ni hindi ka pa nga nanliligaw, ikaw na matanda ka!" Pinagmasdan ko lamang ang dalawang matandang nagsusuyuan na akala mo'y mga binata't dalaga pa rin. Sina Lolo Jose at Lola Esme ay sampung taon nang namamalagi rito sa Home for the Aged na pinagtatrabahuhan ko. At sa limang taon na nagvo-voluteer ako rito, marami na 'kong nakilalang matatanda. May iba't ibang ugali, ngunit silang dalawa ang lubos na nakapukaw ng atensyon ko. Nakakatuwa silang panuorin t'wing sasapit ang ika-siyam ng umaga. Katulad ngayon, may dalang paso ng sili si Lolo Joseph na kinuha pa niya sa hardin upang ibigay kay Lola Esme. "Hindi pa ba ako nanliligaw sa lagay na ito? Sampung taon na akong naghihintay at nagtitiis para lang sa napakatamis mong 'oo

Scheofrodé

Scheofrodé. : pangngalan (n.) : takot, kahibangan, kaba na nararamdaman sa matagal  na pagtitig sa harap ng isang salamin. * * * Tanga. 'Yan pala ako simula pa noon. Isa akong tanga. Tanga na nagpalinlang sa  isang salamin. Akala ko noon, hindi ako malilinlang ng kahit anuman  basta't magawa kong linlangin ang realidad. Oo, nagtagumpay ako. Pero,  tanga. Isang salamin ang nakatalo sa akin. Isang salamin na kahit kailan ay  kaya kong basagin, ngunit hindi ko gagawin. Tanga ako, pero hindi ako  pikon. Sa kalagitnaan ng byahe sa dyip na sinasakyan ko, tahimik akong  nakikipagtalo sa realidad. Kung saan-saan napadpad ang aking isipan  nang isang bagay ang aking malaman. Sa aking pag-uwi, hindi na ako nag-abala pang magbihis ng pambahay;  dumiretso agad ako sa palikuran kung saan matatagpuan ang... kriminal. Isang salamin ang payapang nakasabit sa dingding. Halos maiyak ako;  mahigpit na ikinuyom ang aking kamao nang makita ang pinakasinungaling  na nilalang n